3.13.2007

300

Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket

Maraming umantabay sa pelikulang ito dahil sa magaling na paglabas ng trailer at kaugnayang sabi-sabi na maganda ang kabuuan ng pelikula. Kasama ako doon sa naniwala na nag-antabay at masasabing kong hindi ako napangitan at natupad ang inisip kung kalalabasan ng pelikula.

Base ito sa nobelang komiks ni Frank Miller na 300 na binase naman niya sa The 300 Spartans na isang lumang pelikula na napanood niya noong bata siya. Tungkol ito sa Battle of Thermopylae kung saan naglabanan ang mga Persians at ang Spartans sa Gates of Fire. 300 ang titulo ng pelikula dahil ito ang bilang ng mga sundalo na nakipaglaban sa nasabing gates. Kasama ang kanilang dakilang haring si Leonidas na ginanap ng aktor na si Butler (The Phantom of the Opera, Timeline).

Bayolente ang pelikulang ito dahil sa mga nahahting ulo, braso, hita at kung ano-ano pa ngunit kasama talaga ito sa daloy ng pelikula na kinunan ang karamihang eksena sa green at blue screen. Sa mga eksperto marahil napakasimple lang ng istoryang ito dahil nailathala na ngunit dahil nga hindi naman aktuwal sa kasaysayan ang sinunod ni Miller kung hindi may bakas na pantasya. Kaya mairarapat na tularan ito bilang isang pelikulang pantasya at aksyon.

Para sa akin masikap na ginawa ng iba't ibang digital/graphic artists sa pagagawa ng magagandang eksena na pinapalabas ang tamang balanse ng kulay kung ano ang Greece noong unang panahon. Maraming Filipino ang magugustuhan ito dahil sa aksyon ng labanan at aksyon sa kama ;) Hindi kasi maitatago na mahilig ang maraming kalalakihan ng ganitong labanan at gusto naman ng kababaihan ang mga maskuladong mga artista na parang naka lampin lang na nakikipaglaban.

Movie: 8/10
Video: 9/10
Audio: 9/10

3.10.2007

Beerfest

Photo Sharing and Video Hosting at PhotobucketPhoto Sharing and Video Hosting at Photobucket

Guten Morgen, Gutes Bier. Kaso nga lang hindi gaano kaganda ang pelikulang ito. Isa itong katatawanan na puro kalokohan at walang patutunguhan pero nagustuhan ko siya dahil mahilig ako sa mga ganitong klaseng komedya.

Namatay ang lolo ng magkapatid na si Jan at Todd na laking Amerika. Mahilig sa inuming beer. Aleman ang lolo nila at saan pa ba mangagaling ang pinakamasarap na beer eh di sa kanilang bansang Germany. Nakakatawa talaga ang mga bungad na mga eksena dahil hindi mo akalain na tumawa dahil sa range ng dumb hanggang smart na mga patawa. Pero halas lahat ito maituturing na "slapstick" o kailangan ng physical na pagpapakita ng pagpapatawa.

Pumunta sila sa Germany na parang hindi naman talaga at napadpad sa isang patimpalak na hindi kilala pero napakasikat sa mga manginginom. Labanan ito ng mga pinakamagaling sa inuman at mga "beer games". Pagkatapos mapahiya nangako ang magkapatid na bumuo ng sariling koponan para talunin ang mga mayayabang na Aleman. Dito lang nagsisimula ang katatawanan at kalokohan.

Binubuo ang cast ng limang artista na gumawa rin ng pelikula dati na magkakasama kaya makikita ang masigasig na "screen chemistry". Mairerekomenda itong panoorin kasama ang barkada at mga taong bukas ang pag-iisip sa pandidiri at iba pa.

Movie: 5/10
Video: 7/10
Audio: 7/10

3.08.2007

Le Salaire De La Peur (1953)


Likha ni Henri-Georges Clouzot, isa sa mga pinakamagaling na Pranses na direktor and klasik na pelikulang Wages of Fear. Kung tutuusin ilan lang ang kilala kong direktor na galing France, sina Jean-Pierre Jeunet (Amelie), Luc Besson (Leon) at Mathieu Kassovitz (Assassins). Hango sa nobela ni Georges Arnaud, nilikha ni Clouzot ang skrip sa malungkot na tema ng pelikula.

Nababalot ang istorya sa isang bayan sa South America kung saan ilang Pranses ang nagiging istambay. Si Mario ang isa sa mga istambay dito at ang pangunahing promotor rin ng kaunting kalokohan pagdating sa paghahanap ng kung anong trabaho. Malimit lang ang pagkakitaan dahil sa maliit na nga ang bayan marami pang naninirahan dito. Nagbago ang lahat ng magkaroon ng aksidente sa isang malapit na planta ng langis. Nag-alok sila ng trabaho sa bayan na napakadelikado at malaking pera rin ang kapalit. Si Jo naman ang matandang mayabang at hambog na dating "bigtime" pero ngayon kasama sa pumipila para makuha ang trabaho. Mataas din ang kumpiyansa niyang makukuha dahil may kakilala sa planta. Apat ang kailangan sa pagmamaneho ng mga bagay na napakaselan pede itong ikamatay kung sino man ang matanggap sa trabaho.

Malungkot, nakakadurog at nakakadarambog ng puso ang Wages of Fear dahil sa bawat eksena na inaantabayanan. Hindi ito ang typical na suspense na mapapanood mo ngayong mga araw. Pinaghalo ng direktor ang malumanay na pagkukuwento at malalim na karakterisasyon na makikita hanggang sa huli. Mahigit sa dalawang oras ang pelikula at dito mahihigop ang iyong imahinasyon sa kanilang mga sitwasyon.

Isa sa mga nalakap ko na impormasyon na may koneksyon kay Alfred Hitchcock. Marami kasi nagsabi na ginawa ni Hitchcock ang pelikulang Pyscho dahil gusto niya itong pantapat sa mga pelikula ni Clouzot.

Movie: 9/10
Video: 9/10
Audio: 8/10
Bonus: n/a

The Brown Bunny

Noong 2003 naging kontrobersiyal ang pelikulang ito dahil sa isang eksena na nagpapakita ng fellatio sa artista at direktor na si Vincent Gallo at si Chloe Sevigny isama mo na rin ang malaking billboard na pinalimbag nila na pinapakita ang eksena na pinalabo lang. Nakakaintriga ika nga ito panoorin pero sa totoo lang napakabagal at nakakabagot ang pelikula. Para sa akin maganda ang mga kuha noong unang mga eksena. Dahil isang propesyonal sa karera ng motorsiklo ang protagonistang si Bud Clay. Pero sa pag-usad ng pelikula na wala masyadong dayalogo at puro paglalagay ng mga simbolismo sa bawat kuha unti-unti itong nagiging proseso ng kabalagan para makapunta sa punto ng istorya.

Hindi ko alam kung ano ang hinahanap ni Bud. Pag-ibig ba, kaligayahan o pagbabalik ng nakaraan niya sa katauhan ni Daisy. Kasintahang matagal na itong si Daisy ni Bud ngunit sa isang masamang iglap nagbago ang lahat. Mahirap maialis at maisantabi ang dating minamahal at kay Bud na pawang napakatahimik at seryosong tao maihahantulad ang dahon ng makahiya. Haplosin mo at titiklop ito na magtatago. Ganito si Bud napakaselan ang pakiramdam kaya nagdulot ang malalim na sugat sa nakita niya isang gabi mula kay Daisy.

Kaunti lang siguro ang tunay na makakapagpaliwanag ng daloy ng istoryang ito mula kay Gallo. Orihinal na konsepto ngunit hindi kagandahan ang aplikasyon nito sa pelikula.

Movie: 5/10
Video: 8/10
Audio: 8/10
Bonus: 3/10

3.07.2007

Firefly

"Take my love, take my hand, take me where i couldn't stand". Ito ang unang mga kataga ng kanta mula sa Firefly. Isa itong tv series sa Amerika na gawa ni Joss Whedon nang siyang lumikha rin ng Angel at Buffy the Vampire Slayer. Sayens Piksiyon ang genre na kinabibilangan ng palabas na ito na nakatakda sa kinabukasan. Sa sasakyang Serenity madalas ang mga karakter dito dahil ito ang kanilang punong transportasyon sa kanilang ilehitimong negosyo na pagdala ng ilegal na cargo sa iba't ibang sulok ng kalawakan.

Nakakatawa ang naunsiyameng serye dahil sa mga linyang hindi nakakalimutan at mga paraan na pagnanakaw at kakaibang pakikipagtransaksyon. Pinangungunahan ni Captain Malcolm Reynolds ang aroganteng may-ari ng sasakyang Serenity ang lahat at siya ang nagpapaikot ng kanilang gawain. Kasama ang suporta ni Zoe (First Mate) ang kanyang piloto at asawa na si Wash sina Inara (prosti), Kaylee (mekanika), Jayne (isang mandurugas), at ang magkapatid na Tam si Simon (doktor) at Summer (ang promil kid). Sila ang bumubuo ng Serenity at kasama pa pala si Sheperd Book ang alagad ng Diyos na napamahal na rin sa mga paglalakbay ng Serenity.

Maraming iba't ibang nakakatuwa at nakakagilas na istorya sa 15 Episodes na pinagkasya sa DVD-9 na ito kaya siguradong maasahan ang degradasyon ng panood. Nakakalungkot na itinigil ito at hindi na ulit naibalik sa ere pero sa paglabas ng matagumpay na pelikulang "Serenity" may pag-asa itong bumalik.

TV Series: 9/10
Video: 4/10
Audio: 5/10
Bonus: n/a

May Pirata! May Pirata! Sa Ilalim ng Tulay


Malamang pinagtataka niyo kung bakit Jack Hook ang pangalan ng blog na ito. Dahil ito ang pinakasikat na mga pirata na kilala ko sa pelikula. Sina Captain Jack Sparrow ng Pirates of the Carribean at si Captain Hook ng Hook.

Marami na sa ating mga Pilipino ang nakapabili na ng illegal na mga kopya ng DVD o VCD ng mga pelikula, palabas sa telebisyon, musika, konsiyerto, laro, hubad/pornogropiya at kung ano-ano pa. Mahirap man aminin naging kriminal na tayo sa ating bansa sa bawat pagbili natin ng mga piniratang bilihin. Inaamin ko na sa lahat ng nalakap kong mga DVD halos 30% lang ang lehitimo at lahat hindi na orihinal. Masasabi rin natin na pagparita ang pagdownload ng mga pelikula, ebook, mp3 o ebooks sa internet. Lalo itong lumalago sa bawat gumagamit ng internet na nagpapabago ng kanyang bilis para makuha kaagad ang inaasam na hindi lehitimong files.

Hindi ako nagsusulong na bumili kayo ng piratang DVD o naghihimok na tama ang pagbili at pagkundina nito kung hindi nagbibigay lang ng perspektibo sa mga nabili o nakuha sa internet sa ilegal na pamamaraan. Kung kaya niyo bumili ng lehitimo o orihinal na DVD o VCD, iwasan niyo na ang pagbili ng peke.

Pawang mga rebyu lang ito ni Kapitan Jack sa mga napanood na pelikula, napakinggan na musika, nalarong mga laro at kung ano-ano pa. Hindi lang rebyu sa mga pirata kundi sa mga lehitimo rin para patas ang labanan kung baga.